![]()
Muling magsasagawa ng tatlong araw na transport strike ang grupong Manibela upang igiit ang hiling nilang provisional fare increase.
Plano ng grupo na isagawa ang transport strike sa August 10 hanggang 12.
Ayon kay Manibela Chairperson Mar Valbuena, maaari nilang hindi ituloy ang strike kung aaprubahan ang interim fare adjustment o alisin na ang suspensyon sa inaprubahang pisong fare increase.
Una nang sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na irerekomenda sa Department of Transportation na magpatupad ng interim fare hike kasabay ng fuel discounts sa mga public utility vehicle drivers at operators.
Sinabi ni Valbuena na humihiling sila ng dalawang pisong provisional fare increase habang nagpapatuloy ang deliberasyon sa hiling na dagdag-pasahe.
Ipinaliwanag ni Valbuena na ang dagdag na dalawang pisong pasahe ay magbibigay ng dalawang daang pisong extra daily earnings sa mga driver.
