![]()
Isinumite muli ni Navotas City Rep. Toby Tiangco ang matagal na niyang panukala na alisin ang system loss charges sa bill sa kuryente.
Binigyang-diin ni Tiangco na hindi dapat akuin ng mga consumer ang gastos na dulot ng kapalpakan at pagkalugi na wala naman sa kanilang kontrol.
Muling inihain ng kongresista ang panukala na una niyang isinumite 16 na taon na ang nakalipas, bilang tugon sa sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi na dapat ipasa sa mga consumer ang system loss charges bilang bahagi ng mga hakbang para mapababa ang mataas pa ring presyo ng kuryente sa bansa.
Inihayag ni Tiangco na matagal na niyang sinasabi na hindi makatarungan na ang mga ordinaryong consumer ang pinagbabayad sa mga nagnanakaw ng kuryente at sa mga inefficiencies na wala naman silang kinalaman.
Inihain ni Tiangco ang House Bill No. 10273 o ang “System Loss Charges Abolition Act of 2026,” bilang suporta sa layunin ng administrasyon na gawing mas abot-kaya ang kuryente para sa bawat Pilipino.
