dzme1530.ph

IMBESTIGASYON SA FLOOD CONTROL SCAM, HINDI MATATABUNAN NG IMPEACHMENT TRIAL KAY VP SARA DUTERTE

Loading

TINIYAK ni Senador JV Ejercito na magpapatuloy ang imbestigasyon ng Senado sa umano’y flood control scam at hindi ito matatatabunan ng nagpapatuloy na impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
 
Ginawa ni Ejercito ang pahayag kasunod ng paratang ng ilang grupo na ginagamit ang impeachment trial upang matakpan o mahinto ang pagsisiyasat sa mga umano’y katiwalian sa flood control projects.
 
Sinabi ng senador na malinaw na hindi pa tapos ang imbestigasyon dahil may mga tinutumbok pa silang mga dapat managot, partikular sa umano’y pagnanakaw sa pondo ng bayan, bukod pa sa layunin ng pagdinig na in aid of legislation.
 
Una na ring tiniyak nina Senador Panfilo Lacson at Senador Erwin Tulfo na muling didinggin ng Senate Blue Ribbon Committee ang usapin ng flood control scam.
 
Gagawin ito sa pagbabalik ng sesyon ng Senado sa susunod na linggo.
 
Idinagdag ni Ejercito na nakaabang din sila sa pagtupad ng Office of the Ombudsman sa pagsasampa ng mga kaso laban sa walong contractors o umano’y contractor-congressmen na iniuugnay sa flood control projects.

About The Author