![]()
Ngayong nagsimula na ang tag-ulan, pinaaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko na manatiling may alam at protektado laban sa water-borne diseases, influenza-like illnesses, leptospirosis, at dengue, o tinatawag na “W.I.L.D.” diseases.
Sinabi ni Health Spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na sakaling hindi naiwasang nakalusong sa baha, agad kumonsulta sa pinakamalapit na health center at mayroong mga libreng gamot.
Isinulong din ng DOH ang kanilang kampanya na “4Ts” laban sa dengue, na ang ibig sabihin ay “Taob, Taktak, Tuyo, at Takip”, upang maiwasan ang mga nakatenggang tubig na pinangingitlugan ng mga lamok.
Hinihikayat ang publiko na itaob ang mga container, itaktak ang bagay na may naipong tubig-ulan, panatilihing tuyo ang kapaligiran, at takpan ang mga pinag-iimbakan ng tubig.
Binigyang-diin ng ahensya na pinaka-aktibo ang mga lamok simula alas-sais hanggang alas-otso ng umaga at simula alas-kuwatro ng hapon hanggang alas-sais ng gabi.
Batay sa tala ng DOH, nasa 50,727 ang dengue cases na naitala simula Enero hanggang Mayo, mas mababa ng 56% kumpara sa 114,308 cases na nai-record sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
