dzme1530.ph

BENTAHAN NG SCHOOL SUPPLIES SA DIVISORIA, NANANATILING MATUMAL BAGO ANG PASUKAN

Loading

Ilang araw bago ang pagbubukas ng klase, nananatiling matumal ang bentahan ng school supplies sa Divisoria, Maynila sa kabila ng sapat na suplay at hindi nagbabagong presyo ng mga gamit pang-eskwela.
 
Ayon kay Teresa Dionisio, isa sa mga may-ari ng tindahan sa lugar, naninibago sila sa kasalukuyang sitwasyon dahil karaniwan nang dumarami ang mamimili kapag papalapit na ang pasukan.
 
Isa sa nakikita nilang dahilan ng mahinang bentahan ay ang pamamahagi ng ilang lokal na pamahalaan ng libreng school supplies para sa mga estudyante.
Sa kabila nito, hinihikayat ng mga tindero sa Divisoria ang mga magulang na bumili nang maramihan upang mas makatipid kumpara sa paisa-isang pagbili.
 
Kabilang sa mga mabibili sa lugar ang set ng 10 notebook sa halagang P130, intermediate pad na P100, isang dosenang ballpen at lapis na tig-P100, mga bag na nagkakahalaga mula P350 hanggang P1,000, crayola na P40 hanggang P100, lunch box na P70 hanggang P200, at iba pang school supplies na nasa plastic envelope na nagkakahalaga mula P70 hanggang P150.
 
Ayon sa mga tindero, umaasa silang sisigla pa ang bentahan habang papalapit ang unang araw ng klase.

About The Author