dzme1530.ph

SEN. RONALD “BATO” DELA ROSA, HINIMOK NG ILANG KASAMAHAN NA SUMUKO NA

Loading

UMAPELA si Senador Risa Hontiveros kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa na sundin ang batas kaugnay sa direktiba ng Department of Justice (DOJ) na ipatupad ang arrest warrant ng International Criminal Court (ICC).
 
Binigyang-diin ni Hontiveros na kailangang mangibabaw ang rule of law, ang pagrespeto sa batas at ang prosesong legal.
 
Hinimok niya ang kasamahang senador na igalang ang batas, sumuko na at makipagtulungan sa mga alagad at proseso ng batas.
 
Ipinagdarasal naman ni Hontiveros ang mapayapa at naaayon sa batas na resolusyon kaugnay sa sitwasyon na nakaapekto sa maraming institusyon at sa buong bansa sa kabuuan.
 
Sinabi naman ni Senator Erwin Tulfo na bilang kapwa senador, ipinagdarasal niya si dela Rosa na sana ay nasa mabuting kalusugan at malayo sa sakit gayundin ang kanyang pamilya.
 
Mas mainam din anyang sumuko na ang senador para hindi na mahirapan at hindi na magtago-tago subalit na kay Dela Rosa pa rin anya ang desisyon dahil may kalayaan at sariling pagiisip naman ang mambabatas.

About The Author