dzme1530.ph

ALAMIN KUNG ANO ANG PINAKAMAINAM NA ORAS SA PAG-EEHERSISYO

Loading

Walang iisa o tiyak na oras para mag-ehersisyo na angkop sa lahat, ngunit ayon sa mga eksperto, may kani-kaniyang benepisyo ang pagwo-workout sa umaga, hapon, at gabi.
 
Ayon sa mga fitness at health expert, ang pag-eehersisyo sa umaga ay nakatutulong upang mapalakas ang energy at mapabuti ang mood sa buong maghapon.
 
Nakatutulong din ito sa pagpapabilis ng metabolism kaya mas maraming calories ang nasusunog ng katawan.
 
Samantala, sinasabing mas malakas at mas handa ang mga kalamnan ng katawan sa hapon o bandang gabi dahil mas mataas na ang body temperature sa mga oras na ito, mas maayos na nakakagalaw ang mga kasu-kasuan at nababawasan ang panganib ng injury.
 
Para naman sa mga nagnanais magpababa ng stress, maaari ring makatulong ang pag-eehersisyo sa gabi dahil nakatutulong ito sa paglabas ng “endorphins” o ang mga hormone na nagdudulot ng magandang pakiramdam.
 
Gayunman, paalala ng mga doktor na iwasan ang sobrang matinding ehersisyo bago matulog dahil maaari itong magdulot ng hirap sa pagtulog sa ilang tao.
 
Binigyang-diin ng mga eksperto na mas mahalaga ang pagiging consistent sa pag-eehersisyo kaysa sa oras kung kailan ito ginagawa.
 
Ang pinakamainam anyang oras ng pagwo-workout ay ang oras na kayang panindigan at maisabuhay nang regular ng isang tao.
 
Pinapayuhan din ang publiko na sabayan ang ehersisyo ng tamang pagkain, sapat na tulog, at pag-inom ng tubig upang mapanatili ang malusog na pangangatawan.

About The Author