![]()
Nagiging karaniwang reklamo ngayon ang pananakit ng panga na may kaugnayan sa TMJ o temporomandibular joint disorder.
Ito ay isang kondisyon na nakaaapekto sa kasu-kasuan na nagdudugtong sa panga at bungo.
Ayon sa mga eksperto, ang TMJ disorder ay maaaring dulot ng sobrang teeth grinding (bruxism), stress na nagiging sanhi ng pagkakaipit ng panga, hindi pantay na kagat ng ngipin, at mga pinsala sa panga o mukha.
Ilan sa mga sintomas ng TMJ ay pananakit ng panga, pagkakarinig ng “clicking” o “popping” sound kapag binubuka ang bibig, hirap sa pagnganga, at minsan ay sakit ng ulo o tenga.
Upang malunasan ang TMJ, inirerekomenda ng mga doktor ang mga simple at natural na paraan.
Kabilang dito ang paglalagay ng mainit o malamig na compress sa panga, pag-iwas sa matitigas na pagkain, at pagpapahinga ng mga kalamnan sa panga.
Mahalaga rin ang pagkontrol sa stress sa pamamagitan ng relaxation techniques tulad ng malalim na paghinga at regular na ehersisyo, dahil malaki ang kaugnayan ng stress sa paglala ng kondisyon.
Sa ilang kaso, maaaring magrekomenda ang dentista ng mouthguard upang maiwasan ang teeth grinding habang natutulog.
May mga gamot din na maaaring ibigay para sa pananakit at pamamaga.
Para sa mas matinding sitwasyon, maaaring kailanganin ang physical therapy o iba pang medikal na interbensyon.
