![]()
Dumalo sa Department of Justice ang magkakapatid na sina Senador Mark at Camille Villar para sa pagpapatuloy ng preliminary investigation kaugnay ng reklamong isinampa ng Securities and Exchange Commission laban sa Villar Land Holdings Inc. na may paratang na market manipulation, insider trading, at misleading disclosures.
Ayon kay Senior Deputy State Prosecutor Peter Ong, personal na nagsumite ng kanilang counter-affidavit ang magkakapatid kasama si Manuel Paolo Villar, habang ang kanilang mga magulang na sina Manny at Cynthia Villar ay naghain din ng manifestation na itinuturing na kapantay ng counter-affidavit matapos mapanumpaan sa notary public.
Itinakda ng DOJ ang susunod na pagdinig sa Mayo 13 para sa clarificatory hearing at karagdagang paglilinaw sa mga isyu ng kaso.
Giit ng kampo ni Senador Mark Villar, itinanggi nila ang mga akusasyon at kumpiyansa silang mababasura ang reklamo dahil sa kakulangan ng matibay na ebidensya, at iginiit na dumaan sila sa tamang proseso at nananatiling handang makipagtulungan sa imbestigasyon.
