![]()
IGINIIT ni Senador Sherwin Gatchalian na dapat gawing batas ang pagsuporta sa mga nagbabalik na overseas Filipino workers (OFW).
Ipinanawagan niya ang agarang pagpasa sa panukalang Bagong Balikbayan Act sa gitna ng patuloy na sigalot sa Middle East.
Binigyang-diin ng senador na bawat OFW ay nararapat na mabigyan ng pagkakataong ganap na makabalik at makapamuhay nang maayos sa Pilipinas pagkatapos magtrabaho sa ibayong dagat.
Ayon kay Gatchalian, ang pagtatatag ng isang komprehensibo at napapanatiling programa para sa reintegrasyon ng mga OFW ay magtitiyak ng sapat na pondo at mekanismo para sa tuluy-tuloy na suporta, may krisis man o wala.
Dahil sa inaasahang paghaba ng tensyon sa Middle East, humihiling ang Department of Migrant Workers ng karagdagang P2 bilyon ngayong taon para sa Agarang Kalinga sa mga OFW na Nangangailangan o AKSYON fund, na pangunahing gagamitin sa pagpapauwi ng mga distressed OFW sa rehiyon.
Ang panukalang pangmatagalang framework para sa reintegrasyon ay kinabibilangan ng pagtutugma ng kasanayan o skills mapping sa pangangailangan ng lokal na labor market; mga programa para sa tiyak na paghahanap ng trabaho o job placement; mas malawak na access sa abot-kayang pautang, tulad ng mga low-interest loans, credit guarantees, at livelihood grants; at patuloy na pagpapataas ng antas ng kasanayan o upskilling.
