dzme1530.ph

Kaligtasan ng MRT-3 four-car trains, tiniyak ng DOTr

Loading

Mariing pinabulaanan ng Department of Transportation (DOTr) at ng pamunuan ng MRT-3 ang mga alegasyong lumabas sa vlog ni Kamanggagawa Partylist Rep. Eli San Fernando at sa pahayag ng ilang miyembro ng MRT-3 employees hinggil sa umano’y kakulangan sa kaligtasan ng mga 4-car train na ginagamit sa linya.
 
Iginiit ng DOTr na nananatiling ligtas para sa publiko ang operasyon ng MRT-3, kabilang ang paggamit ng 4-car train sets, kasabay ng pagsasabing hindi totoo ang pahayag na hindi ligtas sakyan ang naturang mga tren.
 
Sinabi ng ahensya na lahat ng train sets ng MRT-3 ay dumaraan sa masusing technical evaluation bago pa gamitin sa operasyon, upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero na kanilang pangunahing prayoridad sa araw-araw na operasyon ng linya.
 
Itinanggi rin ng DOTr ang pahayag na hindi pa handa para sa deployment ang mga Dalian trains, maging ang alegasyon na kulang sa pagsasanay ang mga train driver.
 
Idinagdag ng ahensya na nagpadala ang MRT-3 ng sulat kay San Fernando kung saan ipinaliwanag ang isinagawang technical at safety evaluation na nagpapatunay na ligtas gamitin sa araw-araw ang 4-car trains.

About The Author