![]()
Pinatitiyak ni Committee on Ways and Means Vice Chairman Senator Sherwin Gatchalian na hindi maapektuhan ang ibang programa ng gobyernno kapag naisabatas na ang panukalang pagbibigay ng emergency powers sa Pangulo.
Target ng Senado na aprubahan sa susunod na linggo ang pagkakaloob ng emergency powers kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr para suspindihin o bawasan pansamantala ang excise tax sa fuel sa gitna ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Aminado si Gatchalian na mayroong kapalit kapag inalis o binawasan muna ang buwis sa langis subalit hindi dapat masakripisyo dito ang pagpopondo sa mga programa para sa social services, edukasyon at kalusugan.
Naunang ibinabala ng Department of Finance (DOF) na aabot sa P136 billion ang kitang maaaring mawala sa gobyerno mula Mayo hanggang Disyembre kapag naipatupad na ang tapyas o suspensyon sa fuel excise tax.
Para mapunan ang mawawalang kita, pinagsusumite ni Gatchalian ang Department of Budget and Management (DBM) ng listahan ng mga items o proyekto na maaaring bawasan ang pondo para sa kakulangan.
Kabilang na aniya rito ang pagbawas sa byahe ng mga government personnel at pagtitipid sa fuel at electricity consumption lalo ngayong ipinatutupad na ang 4-day work week sa pamahalaan.
