![]()
NAGBABALA si Senator Loren Legarda sa biglaang pagbagsak ng farm gate price ng sibuyas sa Nueva Ecija at Occidental Mindoro matapos bumulusok ang presyo mula ₱120–₱150 kada kilo noong Enero 2026 hanggang ₱30–40 na lamang noong Pebrero 2026.
Dahil dito, nalalagay sa bingit ng pagkalugi ang mga magsasaka kahit nananatiling mataas ang presyo ng sibuyas sa mga pamilihan sa Metro Manila.
Binigyang-diin ni Legarda na lalo pang nagpalala sa krisis ang maling oras ng pagdating ng imported na sibuyas, ang pagkapuno ng mga cold storage, at ang mga kahina-hinalang shipment sa Bulacan.
Malinaw anya nitong inilantad ang malalim na problema sa supply chain ng sibuyas sa bansa.
Kaya naman inihain ni Legarda ang Senate Resolution No. 344 upang atasan ang Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform na imbestigahan kung sumunod ba ang Department of Agriculture (DA), mga attached agencies nito, at mga lokal na pamahalaan sa tamang patakaran sa import calibration at cold storage.
Layunin din ng resolusyon na papanagutin ang mga nasa likod ng talamak na iligal na importasyon at ang paulit-ulit na paghahari ng onion cartels.
Tinukoy sa resolusyon ang matinding pagbagsak ng farm gate price, ang pagsabay ng 4,000 metric tons ng imported na sibuyas sa kasagsagan ng anihan, at ang pagkapuno ng 82% ng cold storage capacity na nagkait sa mga magsasaka ng mahalagang imbakan.
