dzme1530.ph

PAGBASURA SA OIL DEREGULATION LAW, ISUSULONG

Loading

NANGAKO si Senate President Vicente Tito Sotto III na isusulong ang pagbasura sa Oil Deregulation Law kapag hindi natugunan ng mga kasalukuyang hakbangin ng gobyerno ang krisis sa petrolyo.

 

Sa umiiral na batas, wala nang kontrol ang gobyerno sa presyo ng petrolyo na ibinabatay na lamang sa labanan sa merkado.

 

Sinabi ni Sotto na binabantayan nila ang takbo ng mga pagdinig kaugnay sa mga panukalang pagkalooban ng emergency power ang Pangulo upang mabawasan o suspindihin ang excise tax sa petrolyo.

 

Sa sandali anyang hindi pa rin maganda ang resulta ng mga hakbangin na ito ay maghahain siya ng panukala para sa pagbasura sa Oil Deregulation Law. 

 

Layun nitong ibalik ang kapangyarihan ng gobyerno na kontrolin ang presyo.

 

Ipinaliwanag ng senate leader, hindi katulad ng mga pribadong kumpanya ng langis, sensitibo ang gobyerno sa mga reklamo ng publiko kaya’t agad silang dapat umaksyon.

 

Kumpiyansa naman si Sotto na maaprubahan nila ang panukala para sa suspensyon o pagbabawas sa excise tax bago ang Lenten Break.

 

Kung hindi naman anya ay hihilingin nila sa Pangulo na magpatawag ng special session.

About The Author