dzme1530.ph

Kasong isinampa laban kay FPRRD at Go, tinawag na diversionary tactic

Loading

Diversionary tactic lamang at bahagi ng propaganda ang inihaing kaso ni dating Senador Antonio Trillanes IV laban kina dating Pangulong Rodrigo Duterte, Senador Christopher “Bong” Go, at mga miyembro ng pamilya ng mambabatas.

Ito ang binigyang-diin ni Go kaugnay sa kasong graft at plunder na inihain ni Trillanes sa Ombudsman, kaugnay sa umano’y pagpabor at pagpasok ng ₱7 bilyong government infrastructure projects sa kumpanyang pag-aari ng kapatid at ama ng senador.

Ayon kay Go, malinaw na diversionary tactic ang hakbang na ito ni Trillanes upang ilihis ang atensyon ng taumbayan sa tunay na isyu ng flood control project scandal.

Sinabi ni Go na mali ang taong inaakusahan ni Trillanes, at kung talagang seryoso itong labanan ang katiwalian, ay dapat kasuhan ng dating mambabatas ang mga totoong corrupt ang contractors at financiers nito, na ang pondong posibleng ginagamit sa propaganda ay maaaring galing pa sa mga ghost at substandard flood control projects.

Hindi na rin ikinagulat ng senador ang pagsasampa sa kanya ng kaso ni Trillanes dahil makailang ulit na rin siyang siniraan nito noon sa parehong isyu, noong 2018, 2021, at 2024.

Nanawagan din si Go sa Ombudsman, sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), at sa DPWH na maging patas at alamin ang katotohanan, lalo na sa tunay na isyu ng maanomalyang flood control projects.

About The Author