Tiniyak ng Philippine Navy ang kanilang kahandaan na bantayan at protektahan ang oil exploration at drilling activities sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa mula sa anumang panghihimasok ng mga dayuhan.
Ginawa ni Philippine Navy Spokesman for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad ang pagtiyak nang tanungin kung kaya nilang i-secure ang drilling operations na gagawin sa ilalim ng Malampaya Phase 4 (MP4) project.
Kasunod ito ng pagdating ng Noble Viking Drillship sa baybayin ng Bagong Pag-asa drill site sa Palawan noong nakaraang linggo.
Layunin ng drilling activities na itaas ang kapasidad ng nag-iisang natural gas field ng bansa.
Ginarantiyahan ni Trinidad na “full package” ang ibibigay na proteksyon ng Navy, kabilang ang standing naval at aerial patrols.