dzme1530.ph

Usapin sa impeachment proceedings laban kay VP Sara, pinagdebatehan sa Senado

Loading

Bagama’t iniatras ng Senado ang pagsisimula ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte, hindi pa rin napigilan ang debate kaugnay dito.

Unang iginiit ni Senate Majority leader Francis Tolentino na hindi maaaring tumawid sa 20th Congress ang pagdinig sa impeachment complaint.

Iginiit ni Tolentino na sa pagtatapos 19th Congress sa June 30 at hindi natalakay ang impeachment complaint, ay dapat na itong ideklarang functionally dismissed dahil sa kawalan ng hurisdiksyon ng 20th Congress.

Kinontra ito ng dalawang opposition senators na sina Senate Minority Leader Koko Pimentel at Senador Risa Hontiveros.

Sinabi ni Pimentel na walang anumang probisyon sa konstitusyon na nagbabawal sa pagpapatuloy ng impeachment proceedings sa susunod na Kongreso.

Sa halip, suportado pa aniya ito sa Senate Rules sa impeachment dahil kinakailangang magpatuloy ang trial hanggang magkaroon ng final judgment.

Itinulad din ng minority leader ang impeachment court sa judicial body na hindi apektado ng pagpapalit ng membership ang trabaho.

Sinabi naman ni Hontiveros na may mga nakaraang court rulings na nagsasabing maaaring magtuloy sa susunod na Kongreso ang impeachment process.

Tinukoy niya ang ruling ng Korte Suprema na nagsasaad na hindi legislative function ang impeachment kaya’t kasama ito sa mga kanilang mandato na hindi apektado ng pagpapalit ng mga senador.

About The Author