dzme1530.ph

Walang basehang pag-aangkin ng China sa Sandy Cay, dapat ituring na paglapastangan sa ating soberanya

Loading

Muling kinondena ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang pinakabagong pahayag ng China na nagsasabing may “indisputable sovereignty” ito sa Spratly Islands, partikular sa Sandy Cay at mga karatig nitong isla sa Kalayaan Group of Islands (KIG).

Binigyang-diin ni Estrada na ang Sandy Cay, na kilala rin bilang Pag-asa Cay 2, at ang Pag-asa Island ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas at hindi kailanman naging bahagi ng China – kahit sa kanilang pinakamalalabong panaginip.

Iginiit ng senador na ang walang basehang pag-aangkin ng China sa isla ay malinaw na paglapastangan sa ating soberanya – pananakot, panggigipit at tahasang pagwawalang-bahala sa mga umiiral na pandaigdigang batas.

Ang aksyon aniya ng China ay walang pakundangan, inilalagay sa panganib ang buhay ng ating maritime personnel at banta sa katatagan ng rehiyon.

Binatikos din ni Estrada ang patuloy na paglabag ng China sa international law gaya ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), ang 2002 Declaration on the Conduct of Parties (DOC) sa South China Sea, at ang 2016 Arbitral Award na pumabor sa Pilipinas.

Buo rin ang suporta ni Estrada sa Department of Foreign Affairs sa pagtutol nito sa anumang pakikialam ng China sa mga legal na operasyon ng Pilipinas sa Sandy Cay at mga karatig nito, kabilang na ang mga gawaing siyentipiko sa karagatan.

About The Author