Kinumpirma ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na tinanggalan ito ng dalawang police security details ng Philippine National Police.
Ipinaliwanag niya na ang dalawa ay nakadeploy sa kanya sa Davao at pag-uwi niya kahapon ay hindi na niya naabutan ang mga ito.
Nang tanungin niya ay sinabing pinagreport sila sa kanilang mother unit.
Hindi pa naman alam ng senador kung nirecall na rin ng PNP ang kanyang mga security na nakadetail sa kanya sa Metro Manila.
Subalit sinabi ni dela Rosa na hind niya ikinukunsiderang panggigipit ang aksyon ng PNP at nauunawaan niyang nag-iingat ang commander ng mga pulis na sumasaklaw sa mga ito.
Wala rin naman aniya siyang natatanggap na pagbabanta sa kanyang buhay bagama’t sanay na aniya siya sa ganito dahil sa kanyang hanapbuhay.
Pero sa ngayon ay mahigit 10 retiradong pulis at sundalo na anya ang nag-volunteer na magsilbing security escort niya.