Direktang pinuna ni Sen. Sherwin Gatchalian ang Bureau of Immigration sa pagkakatakas ng ilang deportees dahil sa pagkakaroon ng layover sa kanilang flights.
Sinabi ni Gatchalian na sa halip na direct flights, nagamit pa ng ilan ang pagkakaroon ng connecting flights upang makatakas at maibalik sa kanilang bansa.
Tinukoy ng senador ang 40 Chinese na dapat ay pababalikin dapat sa China subalit nakatakas sa lay-over sa Kuala Lumpur.
Idinagdag naman ni Sen. Risa Hontiveros ang 10 Vietnamese na tumakas sa layover sa Cambodia.
Una na ring napaulat na may tatlong Chinese Pogo Bosses ang nakatakas sa layover sa Hong Kong.
Duda si Hontiveros na mayroong kumita sa BI kasabay ng tanong kung bakit kailangang may layover ang flights na kukunin.
Ipinaliwanag naman ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na dumaraan sa mahabang proseso ang deportasyon at hindi ipinagbabawal ang pagkakaroon ng layover flights.
Pinapayagan din aniya sa polisiya na ang mismong deportee ang bibili ng kanyang ticket lalo pa’t halos wala nang pondo ang BI.
Iginiit naman ng mga senador na kung hindi bawal ay dapat gawan na ng paraan na maisaayos ang mga polisiya upang hindi napalulusutan ang ating gobyerno.