Nanawagan si Congw. Marissa Del Mar Magsino ng OFW Partylist sa mga Overseas Filipino Wokers, Overseas Filipinos (FO), at Filipino Seafarers na magpa-enroll ng maaga sa Online Voting and Counting System (OVCS) para sa 2025 Midterm Elections.
Kasunod ito ng anunsyo ng COMELEC na binago ang petsa ng pre-enrollment period para sa internet voting sa March 20, sa halip na March 10, habang ang dealine ay nananatili sa May 7.
Naniniwala ang OFW Partylist na ang hakbang ay para tiyakin ang maayos at epektibong pagpapatupad ng OVCS na ngayon pa lamang gagamitin sa kasaysayan ng Halalan sa bansa.
Hindi lang COMELEC ang may gusto nito kundi maging ang Department of Foreign Affairs, na hangad rin ang maayos na pagpapatupad ng Republic Act No. 9369 o Election Automation Law.
At dahil pinaikli ang pre-enrollment period, pinaalalahanan ni Magsino ang lahat ng Pinoy sa abroad na agahan na ang pag-enroll upang walang OFW, OF at Filipino seafarers ang maiiwan sa online voting.
Si Magsino ng OFW Partylist ay aktibong isinulong ang Internet Voting Bill bilang bahagi ng kanyang adbokasiya at pagtiyak na kahit nasa labas ng bansa ang trabaho, ay hindi naipagkakait ang karapatan nitong makaboto.