Nabalian ng tadyang si Kuya Kim Atienza matapos maaksidente sa motorsiklo.
Sa Facebook, ibinahagi ni Kuya Kim na pauwi na siya mula sa trabaho nang masalubong niya ang malaking aso dahilan para siya ay mawalan ng balanse.
Aniya, lumipad siya ng walong talampakan mula sa ibabaw ng manibela saka bumagsak sa semento.
Habang tulalang nakahiga aniya sa kalsada, milagro na sa loob lamang ng ilang segundo ay may dumating na ambulansya at binigyan siya ng first aid, at pinigilan ang mga sasakyan upang hindi siya masagasaan.
Pinasalamatan ni Kuya Kim ang Panginoon sa kanyang ika-apat na buhay, gayundin ang lahat ng mga tumulong sa kanya, kabilang ang kanyang misis na si Felicia at anak na babae na si Emman na agad siyang pinuntahan.