Idineklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang buwan ng Mayo ng kada taon bilang “Ease of Doing Business (EODB) Month.”
Ito’y upang palakasin ang mga hakbang ng pamahalaan para sa mas mahusay na pagseserbisyo, paglikha ng business-friendly environment, at mapagbuti pa ang bureaucratic efficiency.
Sa proclamation 818 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, inatasan ni Pangulong Marcos ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) na pamunuan ang taunang obserbasyon ng EODB Month.
Mandato ng ARTA na tukuyin at ipatupad ang mga programa at aktibidad, alinsunod sa mga layunin ng kampanya.
Lahat ng government agencies, kabilang ang government-owned and -controlled corporations at local government units, ay inatasang makipagtulungan sa arta upang matiyak ang epektibong pagpapatupad ng mga hakbang sa ilalim ng EODB month.
Hinikayat din ang pribadong sektor at non-government organization na makilahok at suportahan ang mga naturang hakbang.