Pinag-aaralan ng Department of Transportation (DoTr) ang pag-terminate ng kontrata sa konstruksyon ng Unified Grand Central Station sa North EDSA sa Quezon City.
Pahayag ito ni Transportation Secretary Vince Dizon, matapos inspeksyunin ang proyekto kahapon, at nakita na malaking bahagi ng pasilidad ang nakatengga at inaalikabok na.
Ang Grand Station na magkokonekta sana sa LRT-1, MRT-3, at MRT-7, ay dapat nakumpleto na noon pang 2021.
Sinabi ni Dizon na bagaman nakakalungkot at nakapanghihinayang, malinaw sa ngayon na kailangan nilang pag-aralan na tapusin na ang kontrata.
2019 nang i-award ang kontrata para sa konstruksyon sa BF Corporation na kumpanya ni dating MMDA Chairman Bayani Fernando.
Gayunman, dahil sa lockdown bunsod ng COVID-19 pandemic, natigil ang pag-usad sa pagtatayo ng naturang istasyon.