Nasagip ng National Bureau of Investigation -Dangerous Drugs Division ang dalawang Filipina na mabibiktima sana ng African Drug Syndicate sa Malaysia.
Sa press conference, sinabi ni NBI Dir. Judge Jaime Santiago na nagpadala siya ng agent sa Malaysia para makipag-ugnayan sa Malaysian Authority, para isagawa ang operasyon kaya’t nasagip ang dalawang Pinay at nadakip ang isang babae na miyembro ng West African drug syndicate.
Ayon kay Santiago, sinagot ng mga sindikato ang plane ticket ng dalawang Pinay papuntang Malaysia kung saan pinangakuan sila ng allowance, hotel accommodations at $5,000 para dalhin ang packages sa Hong Kong.
Bago pa man matanggap ng mga Pinay ang package ay nasakote na ang babaeng may dala ng droga kung kaya’t hindi na nakasuhan o papanagutin ang dalawang Pinay.
Kaugnay nito, napauwi ng NBI ang dalawang Pilipina na kasalukuyan isinasailalim sa counseling.
Kasalukuyang nagsasagawa pa ng follow up investigation ang NBI para mapanagot ang recruiter na kontak ng sindikato.