dzme1530.ph

Patuloy na manipulasyon sa presyo ng karne ng baboy, kinondena ng isang senador

Kinondena ni Sen. Imee Marcos ang patuloy na manipulasyon ng ilang negosyante sa presyo ng karne ng baboy.

Kasabay nito, nagpahayag ng suporta ang senadora sa panukala ng Department of Agriculture na magpatupad ng suggested retail price sa presyo ng baboy na ngayon ay pumapalo na sa ₱375 hanggang ₱420 ang kada kilo.

Binigyang-diin ni Marcos na mismong ang DA ang nagsabing ₱200 hanggang ₱220 lamang ang farmgate price ng baboy kaya nakapagtataka na lumobo ito sa ₱420.

Samantala, hinimok ni Marcos ang DA na buhayin ang Price and Volume Watch upang regular na namomonitor ang lahat ng bahagi ng value chain ng baboy at maiwasan ang patuloy na paglobo ng presyo nito sa mga pamilihan.

Kailangan din anya ng regular na koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan sa pagmonitor sa merkado at matiyak na mapoprotektahan ang mga consumer at maliliit na negosyante. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author