dzme1530.ph

Isang dalagita, patay matapos gahasin umano ng labing tatlong lalaki

Patay ang kinse anyos na babae na naunang napaulat na nawawala sa Oslob, Cebu.

Batay sa imbestigasyon, December 9 nang magtungo sa disco ang dalagita kasama ang nobyo nito at magdamag na hindi nakauwi.

Dito na naalarma ang ina ng biktima na agad inireport ang pagkawala ng anak sa mga otoridad.

Matapos ang tatlong araw, nakauwi ng bahay ang dalagita na balisa at sumusuka ng dugo.

Isang araw ang lumipas biglang nanigas ang katawan nito at isinugod sa ospital, na idineklarang dead on arrival.

Ayon sa ina ng dalagita, naikuwento sa kanya ng anak na dinala ito sa isang masukal na lugar saka nilasing sa alak.

Isiniwalat din nitong pinagtulungan siyang gahasain ng labing tatlong lalaki.

Nakitaan ng malaking pasa sa hita ang dalagita, ngunit batay sa Death Certificate nito “Undetermined” o hindi tukoy ang dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Sinabi naman ng mga otoridad na wala pang persons of interest at patuloy ang imbestigasyon upang makompirma ang bilang ng mga suspek na nasa likod ng pagkakasawi ng dalaga.

Naniniwala naman ang ina ng biktima na posibleng sangkot sa krimen ang boyfriend ng dalagita.

—sa panulat ni Joana Luna

 

About The Author