dzme1530.ph

Pamilya Guo, tinawag na professional liars at swindlers

Sa tingin ni Sen. Sherwin Gatchalian, mga professional liars at professional swindlers ang pamilya Guo partikular sina Alice at Sheila Guo.

Sinabi ni Gatchalian na hindi siya kumbinsido sa binuong imahe ni Sheila sa pagharap sa Senado na tila inosente at walang alam dahil malinaw sa mga dokumento ang malaking partisipasyon nito sa mga kumpanya ng pamilya Guo.

Dapat aniya natuto na tayo sa naging pagharap noon ni Guo Hua Ping o Alice Guo na nagsabing simpleng tao lamang at lumaki sa farm pero maituturing namang mastermind sa pagtatayo ng mga POGO hub sa Bamban Tarlac at maging sa Porac, Pampanga.

Tulad aniya ni Alice, maraming inconsistencies sa mga pahayag ni Sheila na lalong naglagay sa kanya sa alanganin.

Iginiit ni Gatchalian na imposibleng walang alam si Sheila sa ibang kumpanya ng Guo Family dahil siya ay corporate secretary at corporate financial officer na may malaking responsibilidad.

Para rin kay Gatchalian, premature pang pag-usapan kung papasa bilang state witness si Sheila laban kina Alice dahil marami pa siyang hindi sinasabi sa Senado. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author