May libreng sakay ang mga tren sa Metro Manila sa mga piling oras, ngayong Miyerkules.
Sa magkakahiwalay na abiso, nakasaad na magpapatupad ang MRT-3, LRT-1, at LRT-2 ng libreng sakay ngayong Miyerkules simula ala-7 hanggang alas-9 ng umaga at simula ala-5 ng hapon hanggang ala-7 ng gabi.
Ayon sa mga pamunuan ng Metro Railway Services, ang kanilang hakbang ay bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng 126th Philippine Independence Day.
Samantala, awtomatik na suspendido naman ang number coding scheme ng Metropolitan Manila Development Authority ngayong Pista Opisyal.
Sa Facebook advisory, hinimok ng MMDA ang publiko na lumahok sa iba’t ibang aktibidad na may kaugnayan sa okasyon sa Quirino Grandstand at Rizal Park sa Manila.
Una nang inihayag ng PNP na mahigit 11,600 personnel mula sa Police Force, Bureau of Fire Protection, AFP, at Philippine Coast Guard ang ipakakalat sa Metro Manila at iba’t ibang lalawigan ngayong Araw ng Kalayaan.