Pinakikilos ni Senador Francis Tolentino ang Bureau of Immigration (BI) at hinimok na agad na i-deport ang mga dayuhang estudyante na sangkot sa ‘degree for sale’.
Ito aniya ay kung mapatunayang totoo ang sinasabing bentahan ng degree o diploma sa mga dayuhang estudyante na umaabot hanggang dalawang milyong piso.
Binigyang-diin ni Tolentino na kailangan ding maimbestigahan ng Commission on Higher Education (CHED) ang isyu at i-validate ang mga impormasyon.
Nagtataka naman ang senador na sa dinami-dami ng mga lugar sa bansa ay bakit sa Tuguegarao pa napili ng mga dayuhang estudyante na mag-aral.
Aminado rin ang mambabatas na nakakaalarma ang impormasyon na pinili ang lugar dahil mayroong EDCA sites sa lalawigan kasabay ng paghimok na dapat tignan din ang iba pang EDCA sites.
Hindi naman aniya maituturing na Failure of intelligence ito sa bahagi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil dumaan naman sa proseso ang mga estudyanteng nakapasok sa bansa.