Malaking tulong ang newly-imposed tax breaks para sa ilang uri ng Electric Vehicles (EVs) na maparami ang mga gumagamit nito at mabawasan ang carbon emissions, ayon kay Senator Sherwin Gatchalian.
Ayon kay Gatchalian, pangunahing may akda ng Republic Act 11697 o ang Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA), na ang modified tariff rates ay magbibigay-daan para higit na maging abot-kaya ang electric vehicles sa local consumers.
Nagpahayag ang senador, kasunod ng pagpapalabas ng Executive Order no. 12 series of 2023 na nagsususpinde sa import duty ng electric vehicles sa susunod na limang taon para mapalawak ang paggamit ng e-vehicles at makalikha ng isang bagong industriya na susuporta rito sa Pilipinas.
Sa ilalim ng EO12, ilang uri ng EVs ang tinanggalan ng taripa mula sa dating rates na lima hanggang 30%.
Samantala, iginiit ng International Think-Tank at Research Organization Stratbase ADR Institute na dapat isama ang e-motorcycles sa mga tatanggalan ng taripa sa ilalim ng EO 12.
Sa ilalim ng eo, ang E-motorcycles ay papatawan pa rin ng 30% tariff habang ang buwis sa kick scooters, pocket motorcycles, at self-balancing cycles ay inalis na.
Ayon kay Stratbase President Prof. Dindo Manhit, dapat amyendahan ang EO dahil maraming manggagawa at estudyante ang gumagamit ng motorsiklo sa pagpasok habang ang four-wheeled vehicles ay kadalasang nakakayanan lamang ng mga indibidwal na mas malaki ang kinikita.
Noong 2021 ay nakapagtala ang Land Transportation Office ng halos 8 million units ng motorsiklo na nakarehistro sa ahensiya.