Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang nationwide rollout ng assistance sa mga lokal na pamahalaan na bigong makapag-setup ng electronic business one-stop shop, o ang digitalized at mas mabilis na pag-proseso ng business permits at iba pang dokumento sa pagne-negosyo.
Ito ay matapos sabihin ng Anti-Red Tape Authority na 630 pa lamang mula sa 1,637 LGUs ang nagpapatupad na ng nasabing mekanismo.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, inihayag ni ARTA Director General Ernesto Perez na isasagawa ang nationwide rollout sa huling linggo ng Enero, at makakatuwang nila ang presidential management staff, DILG, at DICT.
Sa ilalim nito ay bibigyan ang mga LGU ng hardware at technical assistance upang sila ay makapag-comply sa one-stop shop.
Sinabi ni Perez na mismong si Pangulong Marcos ang nagbigay ng New Year’s Resolution kaugnay ng patuloy na pagpapaganda at pagpapabilis ng serbisyo ng gobyerno. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News