Isinusulong ni Senador Jinggoy Estrada ang panukala para sa mas mabigat na parusa, kabilang ang habambuhay na pagkakakulong at malalaking multa sa mga indibidwal na mapatutunayang sangkot sa game-fixing sa mga propesyunal o amateur sporting event sa bansa.
Sa kanyang Senate Bill No. 1641 o ang panukalang Anti Game-Fixing Act, layon ni Estrada na palawakin ang sakop ng game-fixing at maisama ang point-shaving, game manipulations o anumang kasunduan, aregluhan, kilos o hakbang na makakaapekto sa resulta ng isang laro para sa pagsusugal, pusta o pandaraya sa publiko.
Sa ilalim ng panukala, hindi kinakailagan ang aktwal na pagpapalitan ng pera o mahahalagang bagay para maituring na may naganap na krimen na game-fixing.
Sa halip, ito ay ituturing na prima facie evidence ng pagkakasala.
Ang mga lalabag ay maaaring makulong ng mula 3 hanggang 12 taon at pagmultahin ng P1-M hanggang P5-M, depende sa desisyon ng korte.
Habambuhay na pagkakakulong o multang mula P10-M hanggang P50-M o pareho naman ang ipapataw kung ang nagkasala ay bahagi ng isang sindikato.
Kung ang nagkasala ay isang estudyante na menor de edad, ang kanyang pananagutan ay hanggang sa mga administratibo o disiplinaryong aksyon ng paaralan o institusyon. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News