dzme1530.ph

PAGCOR, mas lalaki ang kita ngayong regulator na lamang ito sa gaming industry  

Naniniwala si Senador Grace Poe na magiging mas malaki ang kita ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ngayong isa na itong regulatory body.  

Sinabi ni Poe na ang transition ng PAGCOR sa pagiging regulator na lamang ay isang hakbang sa tamang direksyon.  

Ipinaliwanag ng senador na ang pagiging operator at regulator ng PAGCOR noon ay nagbigay sa ahensya ng nagbabanggaang papel na nakaapekto sa kakayahan nito na epektibong i-regulate ang gaming industry.  

Ayon kay Poe, nakaapekto ito sa paglaganap ng iligal na POGO at mga hindi otorisadong gambling operations na nagdala ng mga problemang panlipunan sa bansa.  

Habang ang mga iligal na operasyon sa gaming industry ay umaapaw ang salapi, nawawalan naman anya ng kita ang pamahalaan.  

Iginiit pa ni Poe na kung epektibong mare-regulate ng PAGCOR ang gaming industry at malilinis ang sektor mula sa mga iligal na aktibidad ay tiyak na makakalikom ito ng malaking kita para sa bansa at makakatulong para mapondohan ang mga proyekto ng pamahalaan. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME

About The Author