dzme1530.ph

DOH, pinakikilos laban sa tumataas na bilang ng HIV cases sa bansa

Hinimok ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang Department of Health (DOH) na paigtingin ang mga hakbangin laban sa tumataas na kaso ng HIV sa Pilipinas.

Sinabi ni Go na hindi dapat magpakakampante ang lahat sa sitwasyon at ang mahalaga ay palakasin ng DOH ang kanilang mga programa upang pigilan ang pagkalat ng HIV at magbigay ng kinakailangang suporta sa mga apektado.

Kasabay nito, hinikayat ng senador ang mga indibidwal na apektado ng sakit na huwag mahiyang lumapit at humingi ng tulong sa gobyerno para sa free diagnosis at medications.

Binigyang-diin ng senador na ang kalusugan ang dapat na iprayoridad ng lahat.

Ang panawagan ni Go ay kasunod ng ulat ng advocacy group LoveYourself Inc. na nagsasaad na ang kawalan ng kaalaman ay malaking dahilan sa pagtaas ng HIV cases sa bansa.

Sa ulat ng DOH, naitala ang 1,256 na bagong HIV cases noong May 2023 lamang na ang 32% ay nasa edad 15-24.

Umabot naman na sa 116,504 ang kaso ng HIV sa bansa simula noong January 1984. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author