dzme1530.ph

Korte Suprema, nagpaliwanag kung bakit gusto nilang mailabas nang mas mabilis ang resulta ng Bar exams

Ipinaliwanag ni 2023 Bar Chair at Supreme Court Associate Justice Ramon Paul Hernando ang dahilan kung bakit nais nilang mailabas kaagad ang resulta ng bar examinations ngayong taon.

Una nang sinabi ni Hernando na target nilang ilabas ang resulta ng eksaminasyon bago mag-Pasko at magkaroon ng bagong mga abogado bago ang taong 2024.

Aniya, marami pa rin kasing mga kakulangan o backlogs sa mga korte sa bansa at kailangan ng mga bagong abogado na mag-aasikaso sa mga kasong ito.

Maliban dito, nais din ng Korte Suprema na magkaroon sila kaagad ng trabaho at makabawi sa gastos sa pag-aaral, pagre-review at pag-take ng exam.

Ito rin ang naging dahilan kung bakit iniksian nila ang dating apat na araw na Bar exam at ginawang tatlong araw lamang.

Magugunita na kahapon, pormal nang nag-umpisa ang Bar examinations 2023. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author