Hiniling ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia sa Senado na ibalik sa kanilang 2024 budget ang tinapyas na P5.7-B na pondo para sa paghahanda sa 2025 midterm elections at 2025 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Sa pagdinig ng Senate Subcommittee on Finance, nasa P27.440-B ang pondong inaprubahan ng Department of Budget and Management sa COMELEC sa ilalim ng 2024 National Expenditure Program, malayo ito sa orihinal na budget proposal ng komisyon na aabot sa P44.772-B.
Sinabi ni Garcia na sa mahigit P27-B na pondo sa 2024 national budget, P22.938-B dito ang ibinigay na alokasyon para sa paghahanda sa 2025 National at Local Elections at nasa P4.6-B na lamang ang matitira sa personnel services at capital outlay ng COMELEC.
Dahil dito, nakiusap ang COMELEC Chairman sa mga senador na ibalik sana kahit ang nabawas na P5.7-B sa hinihingi nilang P28-B na budget para sa paghahanda sa May 2025 midterm elections at December 2025 BSKE.
kung hindi maibabalik ang tinapyas na pondo sa kanila ay mahihirapan silang makapaghanda sa mga gaganaping halalan sa 2025.
Kasama sa P5.7-B ang bayad sa overtime ng mga tauhan, pag-transport ng mga makinarya sa buong bansa para sa gagawing pilot testing sa gagawing magkasunod na midterm elections at BSKE habang nawalan ng alokasyon ang pagbili ng mga IT equipment, pagtatayo ng main building COMELEC at mga field offices, internet at iba pa. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News