dzme1530.ph

Iba pang mga pang-abuso ng PNP, pinabubusisi sa Senado

Nais ni Senador Raffy Tulfo na imbestigahan ng Senado ang sinasabing mga pang-aabuso at paglabag sa karapatang pantao ng ilang miyembro ng Philippine National Police (PNP) dahil sa hindi pagsunod sa police operational procedures.

Sa kanyang Senate Resolution No. 767, tinukoy ni Tulfo ang pangangailangan na rebisahin ng mga pulis ang kanilang police operational procedures upang matiyak na ito ay nasusunod.

Binanggit ng senador sa kanyang resolusyon ang ang insidente noong Agosto 12 makaraang pasukin ng mga miyembro ng Pandi, Bulacan PNP ang bahay ni Rodelio Vicente sa gitna ng manhunt laban sa isang alyas Elmer.

Sa reklamo ni Vicente, dinala at inaresto siya ng PNP dahil sa umano’y kaso ng Direct Assault and Disobedience to a Person in Authority kahit walang naipakitang warrant of arrest.

Pinuna ni Tulfo ang paglabag ng mga pulis sa rules of procedure sa hindi pagsusuot ng uniporme at gumamit ski mask at sinaktan pa umano ang babaeng anak ni Vicente.

Tinukoy din ng senador ang kaso ng pagpatay kay John Francis Ompad ng pulis na si Police Corporal Arnulfo Sabillo ng Rodriguez, Rizal noong Agosto 20.

Ito ay makaraang habulin ni Sabillo ang kapatid ni John Francis na si John Ace dahil sa pagtanggi umano nitong ipakita ang kanyang mga dokumento at nagmaneho palayo sa isang checkpoint.

Sinabi ng senador na naganap ang mga inisidenteng ito sa loob lamang ng isang buwan at ilang linggo matapos ang pagpatay kay Jemboy Baltazar dahil sa mistaken identity.

Ipinaalala ni Tulfo na ang pagbibigay proteksyon sa karapatang pantao ay pangunahing prinsipyong nakapaloob sa konstitusyon. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author