Dapat pabigatin pa ang multa laban sa mga indibidwal na nagbebenta ng registered SIM na ginagamit sa mga cybercrime activities.
Ito ang iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian na kasunod ng pahayag ni NBI Cybercrime Division Chief Jeremy Lotoc na ang mga registered SIMs na ginagamit sa paggawa ng krimen ay lantad na naibebenta sa ilang social media platforms at nadiskubreng nakakagamit ng pekeng identification card ang mga sindikato para mairehistro ang mga SIM.
Sa layunin naman epektibong mapigilan ang iregularidad na SIM registration, inirekomenda ni Gatchalian na higpitan at taasan ang multa laban sa mga gagamit ng fake identity sa pagre-register ng SIM.
Sa kasalukuyang Mandatory SIM Registration, ang mga gagamit ng pekeng identity at dokumento sa pagrehistro ng SIM ay mahaharap sa parusang anim na buwan hanggang dalawang taon na pagkakabilanggo at multa na P100,000 hanggang P300,000.
Bukod sa paghihigpit sa parusa, hinimok ni Gatchalian ang mga telcos na maglatag ng post-validation mechanism na magbeberipika sa pagiging tunay ng detalye ng SIM user. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News