dzme1530.ph

Paglalaan ng pondo para tugunan ang backlog sa classrooms sa bansa, malaking hamon sa gobyerno

Malaking hamon sa gobyerno ang paglalaan ng halos P400-B upang tugunan ang backlog ng mga silid-aralan sa bansa.

Ito ang inamin ni Senate Committee on Basic Education Chairman Sherwin Gatchalian na nagsabing sa ngayon ay imposible pang matugunan agad ang kakulangan sa mga klasrum lalo’t hindi naman ito kakayanin ng budget ng Department of Education.

Sinabi ni Gatchalian na bawat taon tuwing budget season, hindi nawawala sa kanilang pagtalakay ang paglalaan ng budget para sa karagdagang silid-aralan.

Katunayan sa nakalipas na tatlo hanggang limang taon ay nasa P10-B hanggang P40-B lang ang nailalaan na alokasyon para sa pagpapatayo ng mga classrooms.

Hindi man aniya ito sapat kaya sa ngayon ay naghahanap sila ng short-term solution upang maging komportable sa mga silid-aralan ang mga mag-aaral at hindi siksikan tulad na lamang ng paggamit sa sobrang kapasidad ng mga pribadong paaralan.

Dahil matatagalan pa at posibleng dumaan pa ang ilang administrasyon bago matapos ang backlog sa klasrum, pinag-aaralan din ni Gatchalian ang pagpapatupad ng shifting ng mga klase at paggamit ng online o distance learning para ma-decongest ang mga silid-aralan. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author