dzme1530.ph

Isang barko, sumadsad sa dalampasigan ng Batangas City

Kapit-bisig na ang mga lokal na pamahalaan ng Batangas upang agad na matanggal ang barkong sumadsad sa dalampasigan ng Batangas City kahapon ng gabi.

Ayon sa Philippine Coast Guard Southern Tagalog, sinisikap nang alisin ang LCT Golden Bella na inanod ng malalaking alon, matapos itong hampasin ng hangin dahil sa Habagat dulot ng bagyong Goring sa baybayin ng Barangay Lian, Batangas City.

Ang naturang barko ay kinakargahan ng mga cargo, trucks, containers, building materials, kotse at maging ang mga pasahero.

Sabi ng Coast Guard, umalis ang nasabing barko sa Brooke’s Point sa Palawan na may mga kargang heavy equipment patungong Manila Bay.

Magkukubli lamang sana ang nasabing barko sa Batangas dahil sa sama ng panahon ngunit hindi nito kinaya ang malalakas na hangin at alon na naging sanhi ng pagsadsad nito.

Nakikipag tulungan na rin ang Golden Anchor Shipping Lines Corporation, ang nagmamay-ari ng naturang barko.

Mabilis namang ni-rescue ng PCG Marine Environmental Protection Force and Special Operations Unit sa Southern Tagalog ang mga tripulante ng barko gamit ang rubber boats.

Kargado din ng 13,456 liters ng diesel at 173 liters na lube oil ngunit hindi naman daw ito magiging sanhi ng oil spill sa naturang karagatan. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author