dzme1530.ph

Holiday sa Bulacan para kay DMW Sec. Toots Ople, planong hilingin sa Pangulo

Pinaplano ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan na humiling kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng holiday bilang pagbibigay-pugay sa pumanaw na Bulakenyong si Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Susan “Toots” Ople.

Sa panayam sa sidelines ng public viewing sa labi ni Sec. Ople sa Malakanyang, inihayag ni Bulacan Gov. Daniel Fernando na gagawa siya ng liham sa Pangulo upang hilingin ang posibleng holiday para kay Ople.

Samantala, sinabi naman ni Bulacan Vice Gov. Alex Castro na nagsulong na siya ng resolusyon ng pagkilala at pakiki-dalamhati sa pagkamatay ni Ople.

Idinagdag din ni Gov. Fernando na sa paparating na Singkaban Festival sa probinsya ay bibigyan nila si Ople ng natatanging dangal.

Ang pamilya Ople ay kilalang tubong-Hagonoy.  –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author