dzme1530.ph

BuCor Dir. Gen. Catapang, nanindigang walang mass grave sa NBP

Kinumpirma ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr. na walang mass grave at walang nakuhang katawan ng tao sa mga septic tank sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP).

Ayon kay Catapang, ito ang naging resulta ng isinagawang pagsusuri ng mga forensic expert mula sa UP sa mga laman ng septic tank sa kulungan.

Una nang hiningi ng Senate Committee on Justice and Human Rights sa UP forensics team sa hearing noong nakaraang Martes ang kopya ng resulta ng forensic analysis sa mga laman ng septic tank.

Sinabi ni Catapang na negatibo sa human remains ang lahat ng tatlong septic tank sa Bilibid batay sa pag-aaral ng mga eksperto.

Naisumite na aniya ng BuCor sa Senado, DOJ at NBI ang resulta ng forensic analysis.

Dahil dito, inihayag din ni Catapang na hindi totoo ang mga hinala na dating ginawang mass grave ang mga septic tank sa Bilibid.

Masaya naman si DOJ Spokesperson Mico Clavano dahil walang katotohanan ang pinangangambahan nila na isyu sa Bilibid. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author