dzme1530.ph

Inmate mula sa Bilibid, posibleng nakatakas matapos magpanggap na bisita

Posibleng nakatakas sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang bisita si Michael Cataroja, ang person deprived of liberty (PDL) na unang napaulat na nawawala mula sa New Bilibid Prison (NBP) noong Hulyo at muling naaresto kamakailan, ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr.

Sinabi ni Catapang na batay sa inisyal na imbestigasyon, nakapagpatatak bilang bisita si Cataroja at nakakuha rin ng visitors pass saka nagpalit ng damit kaya nakalusot sa mga bantay.

Gayunman, nilinaw ng BuCor chief na lahat ay isinasailalim pa sa imbestigasyon at wala pang depinidong impormasyon.

Idinagdag ni Catapang na posible ang lahat teyorya, kabilang na ang sabwatan sa pagtakas ng Bilibid inmate.

Kagabi ay inanunsyo ng BuCor na nadakip muli ng mga pulis si Cataroja sa Sitio Minahan Bato, sa Barangay San Isidro, Angono, Rizal, dahil sa tip mula sa isang concerned citizen. –sa panulat ni Lea Soriano

About The Author