dzme1530.ph

Pinakamababang bahagi ng NLEX, planong itaas ng MPTC

Plano ng Metro Pacific Tollways Corp. (MPTC) na itaas ang pinakamababang bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) upang maiwasan ang pagbaha na nagdudulot ng pagbigat ng trapiko tuwing masama ang panahon.

Tinukoy ni MPTC President Babes Singson na ang pinakamababang bahagi ng NLEX ay matatagpuan sa ibaba ng Tulaoc Bridge sa San Simon, Pampanga.

Ibinahagi ni Singson na tinangka na nilang itaas ang naturang bahagi noong 2021 subalit hindi ito natuloy kasunod ng diskusyon sa Department of Public Works and Highways.

Umaasa si Singson na kapag walang nangyaring interventions ay matatapos nila ang pagtataas sa bahagi ng Expressway bago sumapit ang Disyembre. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author