dzme1530.ph

Gobyerno, walang ginastos sa magarbong fashion show sa Malakanyang

Nilinaw ng Presidential Communications Office na walang ginastos ang gobyerno sa idinaos na magarbong fashion show sa Malakanyang noong nakaraang linggo, na dinaluhan ng ilang personalidad.

Sa statement ni Deputy Social Secretary Dina Arroyo Tantoco na ibinahagi ni PCO Sec. Cheloy Garafil, sinabi nito na ang designers at private institutions ang gumastos sa nasabing show.

Ipinaliwanag din ang hangarin ng programa na makapagbigay ng pagkakataon sa mga artists na mairampa ang kanilang mga likha sa isang makasaysayang lugar.

Layunin din nitong maipakilala at maitaas ang demand sa local fabrics and designs, na kumakatawan sa ating cultural identity.

Matatandaang kabilang sa mga rumampa sa fashion show sa Goldenberg Mansion ay ang aktres at socialite na si Heart Evangelista, Manila Mayor Honey Lacuna, maybahay ni Senate President Migz Zubiri na si Audrey Tan-Zubiri, actress-politician na si Lani Mercado-Revilla, beauty queen Bianca Manalo, at aktres/TV host na si Mariel Rodriguez.

Ito ay proyekto ni First Lady Liza Araneta-Marcos para sa pagtataguyod ng arts and culture ng Pilipinas ngayong Buwan ng Wika. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author