Aarangkada na rin sa Senado ang pagtalakay sa panukalang P5.768-T na pambansang budget para sa taong 2024.
Itinakda sa Martes at Miyerkules, August 15 at 16 ang paunang briefing para sa 2024 National Expenditure Program (NEP) ng Senate Committee on Finance na pinamumunuan ni Senator Sonny Angara.
Haharap sa unang araw ng pagdinig ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) na binubuo ng mga economic managers na sina Finance Secretary Benjamin Diokno, Budget Secretary Amenah Pangandaman, at iba pang kasapi ng economic team.
Una rito, tiniyak na ng ilang senador na partikular nilang bubusisiin ang confidential at intelligence funds ng Office of the President, Office of the Vice President, Department of Education at mga civilian agencies.
Ilang senador din ang nagnanais na bawasan o ilipat ang CIF ng ilang ahensya upang palakasin ang modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines at bigyan ng intel funds ang Philippine Coast Guard lalo ngayong hindi humuhupa ang tensyon sa West Philippine Sea. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News