dzme1530.ph

Mga ahensyang may kinalaman sa operasyon ng mga dam, ipatatawag sa senado

Target ng Senate Blue Ribbon Committee na paharapin sa susunod na pagdinig ang ilang mga ahensya at tanggapan ng gobyerno na may kinalaman sa pagbalangkas ng solusyon ng mga proseso sa mga dam na itinuturong isa sa dahilan ng matinding pagbaha sa Bulacan at Metro Manila.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, ginisa ng mga senador ang mga opisyal ng National Irrigation Administration (NIA) dahil sa pagpapakawala ng tubig sa Bustos dam nang walang abiso gayundin sa mga proyektong hindi tapos o na-terminate na pero patuloy na hinihingan ng ahensya ng budget sa Kongreso.

Nais nina Senator Francis Tolentino at Senate President pro tempore Loren Legarda na ipatawag sa susunod na hearing ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System, National Water Resources Board, National Power Corporation, Office of Civil Defense, PAGASA, Department of Public Works and Highways at ang mga local government units na apektado ng pagpapakawala ng tubig sa dam.

Iginiit ni Legarda na habang nasa plano pa lang ang proyekto para maisaayos ang Bustos dam ay kailangang makapaglatag ang mga ahensya ng pansamantalang solusyon sa pagbaha.

Nasermunan din sa pagdinig si NIA Deputy Administrator for Engineering and Operations C’zar Sulaik nang mabigong sagutin kung bakit ang mga hindi pa tapos na dam ay may alokasyon o pondo na para sa maintenance. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author