dzme1530.ph

Pagtaas ng inbound flights at pagdami ng domestic routes, naitala ng DOT

Naitala ng Department of Tourism (DOT) ang pagtaas ng inbound flights at domestic air routes sa bansa bunsod na rin ng pagsisikap ng administrasyong Marcos na paunlarin ang sektor ng turismo sa bansa.

Batay sa pinakahuling ulat ng DOT, aabot sa 58 na mga international flight ang nadagdag sa mga dumarating sa bansa kada linggo sa mga paliparan ng Maynila, Cebu, Bohol, Kalibo, Clark, Caticlan, Cagayan North, at Davao.

Nakitaan rin ng pagtaas ang bilang ng domestic flights kada linggo na aabot sa 83.

May mga nagbukas rin na mga bagong ruta tulad ng Cebu-Baguio, Cebu-Borongan, at Cebu-Naga.

Mayroon ding domestic flights ang nagbalik gaya ng rutang Clark patungong Bacolod, Busuanga, Cagayan de Oro, Caticlan, Davao, Iloilo, General Santos, Puerto Princesa, at marami pang iba.

Ayon naman kay Tourism Secretary Christina Frasco, naka-angkla ang kanilang mga plano sa National Tourism Development Plan 2023-2028 kung saan nais nilang mapataas ang bilang ng mga flight at overall accessibility para sa mga foreign at domestic guests, at ang pagbubukas ng bansa para sa negosyo at turismo. –sa ulat ni Tony Gildo, DZME News

About The Author