dzme1530.ph

PCG, MARINA, dapat managot sa paglubog ng bangka sa Binangonan, Rizal

Dapat may masampolan sa trahedya na pagtaob ng bangka sa Binangonan, Rizal na ikinasawi ng 27 katao.

Ito ang iginiit ni Sen. Raffy Tulfo sa Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA).

Binigyang-diin ni Tulfo na paulit-ulit na lang ang ganitong insidente at lagi na lamang mga maliliit na tripulante ng lumubog na barko o bangka ang nakukulong pero ang mga may-ari ay patuloy na nakalulusot.

Masaklap pa anya ay pawang imbestigasyon na lamang ang nangyayari sa kapabayaan ng PCG at MARINA at wala pa talagang nasasampulan sa kanila.

Malinaw aniya na may kapabayaan ang PCG at MARINA sa insidente na nangyari sa gitna ng masamang panahon at kawalan ng sapat na life vest na pinayagan ng mga ahensya na maglayag ang lumubog na bangka.

Dahil dito, bumabalangkas na si Tulfo ng resolusyon upang papanagutin sa batas ang mga tauhan at opisyal ng PCG at MARINA sa ngalan na rin ng command responsibility sa tuwing may tumataob o lumulubog na sasakyang pandagat nang dahil sa kapabayaan. — ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author